top of page

Sa 'Yo Pa Rin - Prologue

"Anya!"


Nilingon ni Anya ang babaeng tumawag sa kaniya at hindi nagkamaling si Dolores iyon, isa sa mga may-edad sa Villa Escarra. Nilapitan niya ito na kaagad namang inabot sa kaniya ang pinggan na mayroong lamang pancit.


"Nagluto kasi ako kanina dahil naghanap si Simon. Sabihin mo sa 'kin kung gusto mo pa, ha?" nakangiting sabi ni Dolores. "Kumusta ka pala? Hindi ka namin masyadong nakikitang lumalabas, e."


"Nagkasakit po kasi ako noong isang linggo. Ayaw po muna kasi akong palabasin ni Jakob. Ayaw ko rin naman pong may mahawa sa sipon ko lalo ang mga bata." Nilingon ni Anya ang playground sa may parke. "Mas mahirap po kasi 'pag sila ang nagkasakit."


Ngumiti si Dolores. "Totoo rin. May gusto ka bang ipaluto sa 'kin? Kung meron man, sabihan mo lang ako. Nasa bahay lang naman ako o hindi naman kaya ay maaabutan mo ako rito sa garden. Kapag gano'ng may sakit ka, sabihan mo kami, lalo ako para malutuan ka namin ng sabaw."


Tumango si Anya at nagpasalamat kay Dolores. Nagkuwento pa ito tungkol sa madalas na ginagawa sa loob ng villa. Bukod pala sa naglilinis ito ng bahay ni Jakob kung saan siya nakatira, nagluluto rin pala ito para sa mga nagbabantay sa buong villa.


"Malaki kasi ang pasasalamat natin sa kanila, e," ani Dolores na naupo sa damuhan at sinimulang alisin ang tuyong dahon sa isang halaman. "Sa tuwing nagbabantay sila sa magdamag o hindi kaya 'pag lumalabas sila para kumuha ng mga kailangan natin dito sa villa, simple lang 'yung pagpapakain sa kanila."


Seryosong nakatingin si Anya kay Dolores na nagkukuwento pa tungkol sa mga bantay nila sa villa. Matagal na rin kasi ito sa lugar at isa rin sa pinagkakatiwalaan ni Jakob.


"Gusto mo bang ikuha kita ng upuan? Ikuha na rin kita ng tinidor para dito mo na kainin 'yan. Wala kang kasama sa bahay n'yo, e," pag-offer ni Dolores.


"Hindi na po, okay lang po ako rito." Ngumiti si Anya. "Hindi ka po ba natatakot kapag lumalabas sina Denis, Ate Dolor?"


Nakita ni Anya ang pilit na pagngiti ni Dolores. Huminga ito nang malalim, huminto sa ginagawa, at humarap sa kaniya.


"Sa totoo lang, natatakot, pero wala naman akong magagawa. Simula nang maging ranger si Denis, halos hindi ako makatulog 'pag lumalabas sila. Nililibang ko na lang din ang sarili ko sa pagluluto o kaya sa paglilinis kasi kung hindi, mag-aalala talaga ako sa anak ko. Nag-iisa lang 'yun, e. Natatakot akong mawala siya sa 'kin."


Hindi nakasagot si Anya. Nilingon niya ang malaking gate na gawa sa matibay na metal. Mataas, makapal, at walang makikita ang mga nasa loob o nasa labas. Walang makapapasok, walang magtatangkang pumasok.


Ang poste ng gate ay mayroong tigtatlong bantay na mayroong hawak na malalaking baril. Nakatingin ang mga ito sa labas.


Napalilibutan din ng matataas na pader ang buong Villa Escarra bilang proteksyon sa kung ano man ang nasa labas. Bawat sulok ng villa, mayroong bantay. Bawat mataas na pader, mayroong barbwires. Iisa lang ang labasan at pasukan at iyon ay ang malaking gate na itim lamang.


May mga pagkakataong natatakot si Anya sa dahil nakita niya ang buhay sa labas. Sa tuwing nakatingin siya sa mga batang naglalaro sa loob ng villa, palagi niyang iniisip na sana ay huwag magkaroon ng pagkakataong masira ang lugar na tinitirhan nila.


"Bakit po hinayaan n'yo si Denis na sumali bilang ranger kung natatakot po kayo?" tanong ni Anya.


Tipid na ngumiti si Dolores at bago pa man makasagot, nakita nilang nagtakbuhan ang ilang bantay. Nagmamadali ang mga itong magpunta sa gate dahilan para makaramdam sila ng kaba. Palaging ganoon. Sa tuwing bubukas ang malaking gate, may takot.


Ipinalibot ni Anya ang tingin sa villa. Nagtakbuhan ang ilan papasok sa kani-kaniyang bahay. Nagmamadaling buhatin ng mga ina ang mga anak na kanina lang ay naglalaro sa parke. Nanatili naman si Dolores sa tabi niya at naghintay kung ano ang nangyayari.


Tuluyang bumukas ang malaking gate. Nakita nila ang isang armored car at dalawang hindi kalakihang truck na papasok sa loob ng villa. Sumulpot mula sa gilid at naunang pumasok ang isang big bike na sakay ang lalaking nakaitim na T-shirt, itim na pantalon, at combat shoes. Itim din ang suot nitong helmet.


Humarurot ang motor papunta kina Anya at Dolores. Gumawa ng ingay ang malaking motor bago huminto sa harapan ng dalawa.


Seryosong nakatingin si Anya sa lalaking huminto. Ibinaba nito ang slide stand bago tuluyang umalis sa sasakyan at pagtanggal ng helmet, ngumiti ito sa kaniya.


"Hindi na ba masama ang pakiramdam mo?" tanong ni Jakob. Ibinaba nito ang helmet sa upuan ng motor bago lumapit kay Anya. "Nagutom ka? Pinaluto mo 'tong pancit kay Dolores?"


Umiling si Anya. "Hindi. Naglakad lang kasi na-bore ako sa bahay. Pagdaan ko rito, sabi ni Ate Dolor, bibigyan niya 'ko ng pancit. Kumusta ang lakad n'yo?"


Patagilid na tiningnan ni Jakob ang sasakyang papalapit sa kanila pati na rin ang mga kasama nitong lumabas para kumuha ng stock ng buong villa. Dalawang truck na puno ng mga pagkain at pangangailangan ng mga taong nakatira sa villa na pinamumunuan ni Jakob.


Bukod sa dalawang truck, dumaan din ang armored car, mga sasakyan hindi pamilyar kay Anya, at mga motor. Nasa likuran ang tatlong kabayong sinasakyan ng tatlong kasama ni Jakob na lumabas.


Sinundan ng tingin ni Anya ang puting kabayo at nakita iyon ni Jakob kaya pinahinto niya ito sa nakasakay na tauhan.


"Saan n'yo nakuha?" tanong ni Anya at naglakad papalapit sa kabayo. "Puwede ko bang hawakan?"


Ngumiti si Jakob at tumango. Hindi na nag-aksaya ng pagkakataon si Anya at hinaplos ang magandang buhok ng puting kabayo na bahagyang yumuko.


"Puwede mo siyang sakyan sa susunod kapag settled na siya rito sa villa," ani Jakob at sinuklay ang may kahabaang buhok gamit ang mga daliri. "Uwi na tayo. Gusto kong maligo at matulog. Nagugutom na rin ako."


Tumango si Anya. Lumapit si Jakob sa kaniya at hinawakan ang kamay niya. Kinuha rin nito ang hawak niyang pinggan. Nagpaalam si Anya kay Dolores at nagpasalamat.


"Jakob, kung may gusto kang ipaluto, sabihin mo lang sa 'kin," sabi naman ni Dolores.


"Si Anya na lang tanungin mo. Kung ano'ng gusto n'ya, iyon na lang lutuin n'yo," sagot ni Jakob at tumingin sa kaniya. "Ano ba'ng gusto mong pagkain?"


Napaisip si Anya. "Gusto ko lang ng may sabaw," sagot niya at hinarap si Dolores. "Ate, kahit ano po basta may sabaw."


Nagpaalam na rin siya kay Dolores at hinarap si Jakob na naghihintay sa kaniya. Halata ang pagod sa mga mata nito. Magulo na rin ang buhok na halos nakatakip na sa mga mata. Kita rin niya ang mga talsik ng putik sa itim na damit.


Panay ang saludo ng mga tauhan ng villa na nakasasalubong nila habang binabaybay ang daan papunta sa bahay ni Jakob.


"Mukhang marami kayong nakuha ngayon," basag ni Anya sa katahimikan. "Nakakatuwa naman."


Tumingin si Jakob sa kaniya at tipid na ngumiti. "Oo, marami. Sa susunod sabihin mo sa 'kin kung ano ang gusto mo para mahanap namin."


"Okay naman ako sa kahit anong dala n'yo. Basta mag-ingat kayong lahat," sagot niya.


Mabagal silang naglakad papunta sa bahay ni Jakob. May dalawang bantay sa harapan na agad binuksan ang pinto nang makita sila. Pinauna siyang pumasok ni Jakob, pero narinig niyang kausap nito ang mga tauhan.


"Magpapahinga muna 'ko." Mababa ang boses ni Jakob.


May mga sinabi pa ito, pero hindi na nakinig si Anya. Dumiretso siya sa kusina at inayos ang lamesa para makakain na muna sila ni Jakob bago ito magpahinga.


Bukod sa pancit na ibinigay ni Dolores, inilabas din niya ang sopas na ipinaabot ni Lisa sa isang tauhan ni Jakob. Isa si Lisa sa mga naninirahan sa villa at asawa ito ng isa sa pinagkakatiwalaang tauhan. Hindi niya iyon nakain dahil tanghali na siyang nagising.


Narinig ni Anya ang yabag ni Jakob at hindi siya nagkamali nang yakapin siya nito mula sa likuran. Hinalikan nito ang balikat niya at ipinalibot ang dalawang braso sa baywang niya.


"Kain na tayo 'tapos maligo ka na rin para makapagpahinga ka na." Ipinagpatuloy ni Anya ang pag-init ng sopas sa kalan.


Hindi sumagot si Jakob na maingat siyang pinaharap. May katangkahan ito kumpara sa kaniya. Halos hanggang balikat lang siya. Fit din ang pangangatawan ni Jakob. Salubong ang kilay nito habang nakatingin sa kaniya. Intimidating, oo, dahil madalas na mukha itong galit.


. . . madalas ding galit sa iba.


Naramdaman ni Anya ang init ng hanging nanggagaling sa ilong ni Jakob. Ipinatong nito noo sa noo niya bago siya hinalikan sa pisngi pababa sa labi na tinugon din niya.


"Kain na tayo para makapagpahinga ka na, Jakob." Tipid na ngumiti si Anya. "Thank you pala sa librong binigay mo sa 'kin noong isang araw. Natapos ko na siya kanina."


Ngumiti si Jakob at tumango. "Sa susunod na labas ko, hahanapan kita ng bago," anito at tumalikod.


Hinubad ni Jakob ang T-shirt nito bago naupo sa dining table. Nakita ni Anya ang mga tattoo nito sa likuran. Iba-iba. Mayroong malalaki, mayroong malilit. Ang iba ay detalyado, ang iba naman ay guhit lang, o salita.


Ngunit sa pinakagitna, naroon ang salitang Escarra—lugar kung saan sila nakita. Isang malaking village na tinitirhan mga taong gustong maging ligtas mula sa kaguluhan sa labas. Lugar kung saan malayang nakapaglalaro ang mga bata. Lugar kung saan makatutulog sila nang mahimbing.


Villa Escarra na siyang pinamumunuan ni Jakob.


Villa Escarra kung saan siya nakatira.


Escarra . . . na siyang apelyido rin ni Jakob.





T H E X W H Y S

45 views0 comments

Comments

Rated 0 out of 5 stars.
No ratings yet

Add a rating
bottom of page